MANILA, Philippines — Karnap ang kotseng umararo sa iba pang sasakyan kahapon sa J.P Laurel, Maynila.
Ito ang kinumpirma ng Manila Traffic Enforcement Unit matapos lumabas sa imbestigasyon na nagpaalarma sa tanggapan ng General Assignment and Investigation Section (GAIS) ang totoong may-ari ng kotse na si Dra. Laarni Roque.
Inabandona ng suspek na si Frankie Mark Serrano, alyas Mark Santos ang Toyota Vios, kahapon sa Mabini Bridge kasama ang isang babaeng sakay.
Ayon kay Capt. Jaime Gonzales, hepe ng Vehicular Accident Investigation Unit Chief ng Manila Traffic, na April 22 pa nawawala ang sasakyan ni Roque matapos itong makarnap sa bahagi ng Gen.Trias, Cavite habang minamaneho ng kanyang kapatid na si Lorenz Fajardo bilang grab taxi.
Mula sa nasabing petsa ay nawawala na ang kapatid ng doktora maging ang kanyang sasakyan.
Hanggang sa masangkot nga sa pag-araro sa iba pang nakaparadang sasakyan kahapon sa J.P Laurel at Muelle de Sampaloc.
Posible rin umanong hindi totoo ang nakalagay na pangalan ng suspek dahil mga peke ang mga nakuhang identification cards nito sa loob ng karnap na sasakyan kung saan magkakaiba din ang larawan.
Bukod dito nakarekober din ang pulisya ng 2 pares ng plaka ng sasakyan na ang isa rito ay plaka na may nakalagay na PNP, isang magazine ng 9mm na baril at mga bala nito.
Patuloy namang tinutugis ng awtoridad ang suspek na si Serrano.