MANILA, Philippines — Nahaharap na ngayon sa kasong qualified theft ang dalawang kasambahay na sinasabing tumangay ng P1.5-milyong halaga ng iba’t ibang uri ng mga alahas at pera sa kanilang amo sa San Juan City matapos masakote ng mga pulis kahapon ng umaga.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Lourdes De Asis, alyas ‘Lulu,’ 49, at Analyn Escari, alyas ‘Inday,’ 20, kapwa stay-in helpers sa 105 Kennedy St., North Greenhills, Brgy. Greenhills, San Juan City.
Ang dalawa ay naaresto dakong 8:45 ng umaga, sa isang fastfood chain sa Annapolis, sa naturang lugar.
Batay sa reklamo ng kanilang amo na si Victoria Marzan, 58, nabatid na Abril nang tanggapin niya bilang katulong ang mga susek, batay sa referral ni Meriam de Asis Ropaning, na kaanak umano ni Lourdes.
Matapos lamang ang isang buwan mula nang sila ay tanggapin sa trabaho, ay nagpaalam na umano ang mga suspek sa amo na aalis na, na pinayagan naman umano niya.
Laking gulat na lamang ni Marzan nang madiskubre niyang nawawala na ang kanyang mga alahas at cash na nakalagay sa kanyang safety vault
Kaagad namang kinontak ni Marzan si Ropaning at sinabihang dalhin ang mga suspek sa Greenhills dahil nais niyang makausap ang mga ito kaugnay ng insidente.
Pumayag naman umano si Ropaning, ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay naireport na pala ni Marzan sa pulisya ang insidente, kaya’t nang magkita sila sa loob ng isang fastfood chain ay kaagad nang dinampot ang mga ito ng mga tauhan ng Police Community Precinct 1 (PCP) ng San Juan City Police.
Batay sa report ng pulisya, ilang alahas at mga accessories na nagkakahalaga ng P150,000 ang nabawi nila ngunit hindi naman pa narerekober ang P910,000 halaga pa ng iba’t ibang uri ng alahas, gayundin ang P500,000 cash na nakalagay sa vault.