Basura sa Maynila, palit bigas at de lata
MANILA, Philippines — Plano ni Mayor-elect Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na bilhin ang mga basura sa Maynila sa pamamagitan ng coupon palit bigas at de latang pagkain.
“Bilang dating basurero... ‘yung basura mo, bibilin ko po ‘yun kasi nakita ko na if you would stimulate or put these incentives, baka mahikayat, mabuhayan ang tao,” ayon kay Domagoso.
Kaugnay pa rin ng pangakong lilinisin ang Maynila, plano niya rin na ibalik ang mga metro aide o street sweepers ng lungsod upang may regular na magwawalis sa mga kalsada, mula umaga hanggang hapon.
“Umaga pa lang makikita niyo may nagwawalis na. Tanghali may nagwawalis. Hapon may nagwawalis. So continuous, honest to goodness na paglilinis,” dagdag pa ni Domagoso.
Una nang sinabi ni Domagoso matapos na maiproklama bilang bagong halal na alkalde ng lungsod, na ‘paliliguan’ niya ang lungsod, upang maalis ang pagiging ‘dugyot’ nito.
Balak din ni Domagoso na ipatigil ang towing sa lungsod upang mabawasan ang pangingikil ng ilang opisyal ng pamahalaan pero hindi tinukoy kung ano ang sistemang plano niyang ipalit dito.
Kaugnay nito,umapela rin siya sa mga Manileño na magkaroon ng disiplina at magkusa na sa pagsunod sa mga batas trapiko.
Gayundin, nanawagan rin siya sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan na ihinto na ang pamumulitika sa pagpasok ng bagong liderato.
Dapat umano ay magbati-bati na at magkaroon ng pagkakaisa para sa ikauunlad ng Maynila.
- Latest