Dugo dumanak sa mental hospital
MANILA, Philippines — Naging madugo ang pagdalaw ng matandang mag-asawa sa kanilang apo sa loob ng mental hospital, nang magkaroon nang pagtatalo sa pagitan ng maglolo, na nagresulta sa pagbaril ng lolo sa kanyang apo, bago nito binaril din ang kanyang asawa at saka nagbaril sa kanyang sarili, sa Brgy. Mauway, Mandaluyong City kahapon ng hapon.
Kinilala ni P/Lt.Col. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong City Police, ang napatay na apo na si Joshua Anthony Ocampo, 27, na naka-confine sa National Center for Mental Health dahil sa psychiatric treatment at convicted umano sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga, at ang kanyang lola na hindi pa nababatid ang pangalan ay agaw-buhay pa sa naturang pagamutan.
Samantala, patay rin ang suspek na si Wilfredo Ocampo Sr.
Ayon kay Villaceran, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng hapon sa loob mismo ng Pavillion 6 ward 1, ng NCMH, na matatagpuan sa Nueve de Pebrero St., Brgy. Mauway.
Ayon sa report, dinalaw ng mag-asawang Ocampo ang apo na nakatakda nang ilipat sa piitan upang pagsilbihan ang hatol sa kanya ng hukuman.
Habang nag-uusap ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang maglolo sa hindi pa batid na kadahilanan, sanhi upang bumunot ng kalibre .45 pistola ang matandang Ocampo at binaril si Joshua.
Ikinabigla ng lola ang pangyayari, at naghisterikal ito sanhi upang barilin din siya ng mister.
Nang makitang kapwa duguan na ang asawa at apo, dito na biglang nagbaril sa sarili ang suspek, na nagresulta sa kamatayan nito.
Ayon kay Villaceran, isasailalim nila sa imbestigasyon ang mga guwardiya ng NCMH upang matukoy kung paano naipuslit ng matanda ang baril sa loob ng pasilidad, gayung napakahigpit ng pagbabantay doon, bukod pa sa umiiral ang election gun ban ngayon.
Aalamin din aniya nila kung may plano na talaga ang matanda na patayin ang apo dahil sa baon na kaagad nito ang baril nang magtungo sa pagamutan.
- Latest