Baril ng pulis-Caloocan nagpositibo sa ballistic examination
MANILA, Philippines — Lalong nadiin ngayon ang pulis-Caloocan na pangunahing suspek sa pagkakapaslang sa isang 6-anyos na batang lalaki makaraang magpositibo ang kanyang baril na nakapatay sa biktima nitong nakaraang Abril 28 sa naturang lungsod.
Kinumpirma kahapon ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, P/Major General Guillermo Eleazar na nagtugma ang baril na gamit ng suspek na si P/Cpl. Rocky Delos Reyes sa ginawang ballistic examination ng PNP Crime Laboratory.
Unang isinuko ni Delos Reyes ang kanyang caliber .45 shooters Elite Pistol na may anim pang bala kay Caloocan City Police Community Precinct 5 commander, P/Major Celso Sevilla nitong Abril 28 makaraan siyang sumuko.
Matatandaan na naganap ang insidente dakong alas-2 ng hapon nitong Abril 28 sa A. Mabini Street, Sto. Niño, Brgy. 178 Camarin, Caloocan. Dito nasawi dahil sa tama ng bala ang batang si Gean Habal, grade 1 pupil habang nagtamo ng tama ng bala sa paa ang kanyang lola na si Elsa Francisco nang barilin umano ng suspek makaraang harangan niya ito sa pagtakas.
Tatlong napaputok na cartridge at tatlong napaputok na depormadong bala ang narekober ng mga pulis sa lugar ng krimen at isinailalim rin sa pagsusuri ng PNP Crime Lab.
Nahaharap na ngayon sa patung-patong na kasong murder, frustrated murder sa Caloocan City Prosecutor’s Office at kasong administratibo sa PNP ang suspek. (Danilo Garcia)
- Latest