MANILA, Philippines — Numero lamang umano ang edad at hindi nangangahulugan na mahina na ang tuhod.
Ito ang pinatunayan ng nagbabalik na Manila Mayor Alfredo S. Lim sa mga paninira na siya ay di na nakalalakad o mahina na, nang siya ay magsagawa ng ‘house-to-house campaign’ sa mataong lugar ng Tambunting sa Sta. Cruz, Manila, sa ilalim ng tirik na araw.
Nagpasalamat naman si Lim sa mga residente na nagsipaglabasan ng tahanan para siya ay salubungin, kamayan, makakwentuhan, maki-selfie o makunan ng litrato, nang tiyakin ng mga ito sa kanya na ibibigay nila ang kanilang solidong boto kay Lim sa darating na halalan sa Mayo 13.
Ayon sa mga residente, palagiang ‘number one’ si Lim sa kanilang lugar tuwing eleksyon at wala umano itong dapat na alalahanin dahil sila ay bumoboto base sa nagawa ng isang kandidato.
Tinawanan lang ni Lim nang isumbong ng mga residente na pinakakalat umano ng kanyang mga kalaban sa pulitika na hindi na siya nakalalakad dahil sa kanyang edad.
Ani Lim, hindi na niya papatulan ang negatibong kampanya o paninira ng kanyang mga kalaban dahil alam naman umano ng Diyos at ng mga tao mismo kung ano ang totoo.
Ibabalik umano ni Lim lahat ng libreng ‘womb-to-tomb’ services na kanyang inilunsad noong 1992 na sakop ang mula sa pagbubuntis pa lang hanggang sa mamatay ang isang tao at magpapatayo pa ito ng libreng kolehiyo sa bawat distrito ng Maynila bilang dagdag sa UDM upang ang mahihirap na estudyante ay di na kailangan pang maglaan ng pera para pamasahe para lang makakuha ng libreng college education.