Libreng kolehiyo sa bawat distrito sa Maynila, target ni Lim
Kung papalaring manalong alkalde
MANILA, Philippines — Kung papalaring manalong alkalde ay itutuloy na ni PDP-Laban mayoralty candidate Alfredo S. Lim ang naudlot niyang planong magtayo ng libreng city college sa bawat distrito ng lungsod ng Maynila.
Bukod sa naitayo niyang City College of Manila (na ngayon ay Universidad De Manila), noon pa man ay pinagplanuhan na ni Lim na mismong sa area ng mahihirap na pamilya itayo ang libreng city college upang hindi na gumastos pa ang mga magulang sa baon at pamasahe ng kanilang mga anak na nais makapagtapos sa kabila ng salat na pamumuhay.
Sinabi ito ni Lim sa pakikipagdayalogo sa daan-daang mga miyembro ng Baseco community sa ikalimang distrito ng lungsod, kung saan nagpahayag din siya ng kalungkutan sa kasalukuyang estado ng mga proyektong ginawa niya sa Baseco, partikular na ang public playground na para sana umano sa kasiyahan ng mga senior citizens at kabataan doon na pinabayaan na.
Todo-suporta naman ang mga residente kabilang ang konsehal na si Benigno Addun, Jr.,sa mga plano ni Lim at nagpasalamat sa pagkakatatag sa libreng lying-in centers at evacuation center, elementary at high school buildings at isang malinis na public market para sa mga taga-Baseco.
- Latest