MANILA, Philippines — Nabuking ng mga eksperto ang isang pekeng survey na ginawa sa Quezon City na nagpapakita na maliit na ang agwat sa gitna ng dalawang kandidato para sa pagka-mayor na sina Vice Mayor Joy Belmonte at Vincent ‘Bingbong’ Crisologo.
Ang nasabing survey ay ginawa umano ng Center for Issues and Advocacy o “The Center” na pagmamay-ari ni Ed Malay, isang public relations practitioner.
Sa nasabing survey ng “The Center”, hindi nagkakalayo ang agwat sa bilang ng mga taong nais bumoto kina Belmonte at Crisologo. Bistadong peke ang datos na ginamit sa survey dahil ang resulta nito ay taliwas sa lahat ng ibang survey na lumabas ukol sa voting preferences ng mga tao sa lungsod.
Simula pa noong 2018, ilang survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation at ng Publicus Asia, dalawang respetadong research firm, ay nagpapakita na lamang na lamang si Belmonte kumpara kay Crisologo pagdating sa porsyento ng nais bumoto.
Sa pinakabagong survey na lumabas nitong Abril, nasa malayong 26% ang agwat ni Belmonte kay Crisologo. 62% ang nais bumoto kay Belmonte, samantalang 36% ang nais bumoto kay Crisologo.
Ayon sa mga eksperto, kuwestiyonable rin ang background ng “The Center” at ni Ed Malay sapagkat tila panloloko lamang ang mali-maling resulta ng mga survey na ipinapalabas ni Malay simula pa noong 1998.
Noong 1998 presidential elections, nagsagawa si Malay ng survey na nagpakita umano na magkakaroon ng “landslide win” ang kandidatong si Jose De Venecia, Jr. Si dating Pangulong Joseph Estrada ang nanalo sa nasabing eleksyon.
Noong 2010 naman, nagsagawa muli ng survey si Malay ilang linggo bago maghalalan na nagpakita na nangunguna si Villar kumpara sa ibang presidential candidate. Ang hula ni Malay noon ay mananalo si Villar, ngunit si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang nagwagi sa dulo.
Ayon sa isa pang survey noong Abril ng 2010, sinabi naman ni Malay na mananalo bilang bise presidente si Mar Roxas. Maaaring humabol din ang running mate noon ni Villar na si Loren Legarda. Wala sa dalawang kandidato ang nanalo sa eleksyong iyon.
Sa pinakahuling presidential survey ni Malay na ipinalabas naman noong 2016, sinabi niya na matatalo si Pangulong Rodrigo Duterte. Matapos aniya ang isyu ng “rape joke” ni Duterte, bumaba nang 26 porsyento ang rating sa survey ng kandidato kaya’t siguradong matatalo ito.
Hindi rin nagkatotoo ang hula ni Malay.
Pinaalalahanan ng mga eksperto ang publiko na mag-ingat sa mga survey na nakikita sa balita. Ilang survey raw kasi, tulad ng kay Malay, ay namemeke ng datos sa hangaring i-kundisyon ang utak ng mga tao pagdating sa halalan.