Transparency sa pamamahala, papairalin ni Joy Belmonte
MANILA, Philippines — Paiiralin ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang kahalagahan ng isang transparent government at pauusbungin ang kultura ng accountability at openness sa lokal na pamahalaan sakaling maluklok bilang alkalde sa lungsod.
“Hindi ako naniniwala na dapat may tinatago tayo sa mga mamamayan natin. Para sa akin, dapat alam ng taumbayan lahat ng mga batas at mga pinaglalaanan ng budget ng lokal na pamahalaan sa gayon, malalaman kung maayos bang napamumunuan ang ating lungsod,” sabi pa ni Belmonte.
“Kapag ako ay naging alkalde, ang budget ng lungsod natin ay gagawin nating mas accessible online para makita ng mga mamamayan natin kung gaano kalaki ang pondo para sa isang sektor at kung tunay bang nararamdaman ng sektor na iyon ang budget na inilaan natin para sa kanila,” dagdag ni Belmonte.
Giniit nito na sa ilalim ng kanyang pamunuan ay kanyang sisikapin na maging bukas sa publiko ang lahat ng dokumento at mga gawain ng lokal na pamahalaan upang magkaroon ng magandang feedback mechanism sa pagitan ng gobyerno at ng mga taumbayan.
“Sisikapin natin na alam ng taumbayan lahat ng mga gawain natin upang makuha natin ang tiwala at kompiyansa nila na may pinatutunguhan bawat pondo na inilalaan natin sa iba’t ibang proyekto. At kung hindi naman kayo satisfied, bukas ang pamahalaang lungsod para dinggin ang mga hinaing at suliranin na idudulog ninyo,” sabi pa ni Belmonte. Anya dito nagsisimula ang tinatawag na good governance na kapag may ugnayan ang mamamayan at pamahalaan ay makakatanggap siya ng feedback sa publiko na bibigyan ng agarang solusyon at sapat na serbisyo.
“I will fight for our city to achieve good governance,” giit pa ni Belmonte.
- Latest