MANILA, Philippines — Sa kalaboso ang bagsak ng dalawang babae matapos masakote ng mga otoridad sa isinagawang entrapment operation makaraang ireklamo ng pangingikil, at makumpiskahan pa ng ilegal na droga sa lungsod ng Quezon, nabatid kahapon.
Dakong alas-11:45 ng gabi nang dakipin sa Dominga St. corner Maria St., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, ang mga suspek na sina Summerlyn Antonio, 28, at Myline Romero, 33.
Nauna rito, humingi ng tulong sa mga otoridad ang complainant na si Sheryl Ann Roldan mula sa Caloocan City, matapos umano siyang tangkaing kikilan ng mga suspek ng P30,000 kapalit nang pagpapapalaya sa kanyang kaanak na si alyas ‘Tomboy,’ na nakakulong dahil sa kasong ilegal na droga noong Abril 16 at sinabing may koneksiyon sila sa pulisya.
Naibigay umano ng complainant ang hinihingi ng mga suspek, ngunit hindi napalaya ang kaanak ni Roldan at sa halip ay muling humihingi ng karagdagang P25,000 ang mga suspek upang hindi umano mailipat si Tomboy sa Quezon City Jail.
Dito ay inilatag na ang operasyon laban sa mga suspek at agad na dinakip ang mga ito habang aktong tinatanggap ang P25,000.
Bukod naman sa kasong extortion, nahaharap din sa kasong paglabag sa RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek, nang makumpiskahan pa sila ng dalawang pakete ng shabu na tinatayang may street value na P34,000, drug paraphernalia, cell phones at motorsiklo.