P/Col., 2 tauhan dinakip ng NBI sa pagpaslang sa anak ng Sariaya mayor
MANILA, Philippines — Nasa kamay na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang police colonel at dalawa pang tauhan na pangunahing suspek sa pagpatay sa anak ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta at isa pa matapos na ihain sa mga una ang arrest warrant na inisyu ng korte sa kasong double murder.
Kahapon ay iniharap sa mga mamamahayag ang mga akusadong sina P/Lt. Col. Mark Joseph Laygo; Corporal Lonald Sumalpong at Patrolman Robert Legaspi, pawang itinuturong may kagagawan sa umano’y ‘shootout scenario’ sa pagpatay sa dalawang biktima na sina Christian Gayeta at Christopher Manalo noong nakalipas na Marso 14 sa Tayabas, Quezon.
Nilinaw ni Lucena NBI Lucena District Office Head Agent Dong Villanueva na unang sumuko sina Laygo, Sumalpong at Legaspi sa Calabarzon Police Headquarters noong Marso 22, kung saan nila itinanggi ang mga akusasyon bago sila isinailalim sa restrictive custody ng Quezon Police Provincial Office.
Nitong Lunes nang arestuhin naman ng NBI ang tatlo gamit ang inisyung warrant of arrest ng korte sa kasong double murder.
Matapos ang pulong-balitaan kahapon ng hapon, bago pa ilagak sa NBI detention facility ang tatlong pulis habang hinihintay pa ang commitment order mula sa Lucena Court, ay hindi na nakapagpigil si Mayor Gayeta at nasapak niya si Sumalpong at ang maybahay ng alkalde na tumadyak naman kay Laygo.
Sinabi ni Atty. Auralyn Pascual, assistant spokesperson ng NBI, na nagbigay ng judicial affidavits ang ilang tauhan ng Tayabas Police na ang naunang ulat hinggil sa pagkamatay nina Gayeta at Manalo ay hindi shootout kundi scenario.
Bukod sa police witnesses, nakausap din ng NBI ang gasoline boy ng PTT Station na hindi totoo ang lumabas na ulat na ang dalawang biktima ay nanutok ng baril at nagbantang papatayin ang gasoline boy.
Nang mag-imbestiga ang NBI Lucena ay natukoy na ang dalawa ay unang sinita sa checkpoint na inilatag ng Tayabas Police at nakitaan ng baril na bagamat may lisensiya at gun ban exemption permit kaya dinala pa sa presinto.
Sa salaysay umano ng mga testigong pulis, habang nasa presinto ang dalawang biktima ay iniutos ni Laygo sa dalawa na huwag munang gawan ng police report at hintayin siya.
Tinakot pa umano ang mga saksing pulis na kung hindi gagawin ang shootout scenario ay babarilin ni Laygo. Dahil sa mga nakuhang salaysay, ipinagharap ng kasong two counts of murder sa Tayabas City Prosecutor ang tatlo at nitong Lunes ay naglabas naman ng warrants of arrest laban sa kanila.
Ipinakita din ng NBI sa media ang larawan na nakuha sa closed circuit television (CCTV) kung saan nasa kalye nakadapa sina Christian at Christopher Manalo na kapwa nakaposas habang naroon din ang mga pulis na kinabibilangan ni Col. Laygo kaya malabo umano ang unang ipinalabas na report na nanlaban ang dalawa.
Nabatid na si Christian ang nag-iisang anak na lalaki ng Mayor. Negosyante umano si Christian, may-asawa at isang taong gulang na anak.
Sinabi ng NBI, maging ang kampo ni Mayor Gayeta na wala pa silang masasabing motibo sa pamamaslang dahil tuloy-tuloy pa ang kanilang imbestigasyon.
- Latest