Brgy. kagawad itinumba sa Malabon
MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay kagawad matapos itong malapitang barilin sa batok ng ‘di pa kilalang salarin, kahapon ng umaga sa Malabon City.
Mismo sa minamaneho nitong motorsiklo nalagutan ng hininga ang biktimang si Brgy. Panghulo Kagawad Dante Sih, 53, ng Luis St., matapos magtamo ng tama ng bala sa batok buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis laban sa mga suspect na inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Lumabas sa imbestigasyon ng Malabon City Police, naganap ang insidente alas-8:45 kahapon ng umaga sa panulukan ng Talipapa E. Rodriguez St. at Molawin St., Brgy. Panghulo ng naturang siyudad.
Nabatid na kukunin na ng biktima ang mga pinamiling gulay habang sakay sa kanyang motorsiklo nang mula sa likod ay lapitan ito ng gunman at paputukan sa batok na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Pagkatapos ng pamamaril ay mabilis na sumakay ang biktima sa isang naghihintay na motorsiklo na hindi naplakahan at mabilis na tumakas ang mga suspect patungong Molawin St.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril at isang sulat na may pamagat na “Armadong Pamamarusa” na iniwan ng mga suspek na may nakasaad na: “Hindi dapat tularan ang mga katulad niyang nagtatago sa poder ng barangay. Hindi mag-aatubili ang Armadong Rebiolusyonaryong Manggagawa na magsagawa ng asasinasyon sa sino mangyuyurak sa dangan ng mga mahihirap”.
Samantala, naglaan ang pamahalaang lungsod ng Malabon ng P200-libong reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para matukoy ang suspect.
Ayon kay Malabon Mayor Lenlen Oreta, nakikiisa sila at ang buong Team Pamilyang Malabonian sa pakikidalamhati sa naiwan ni Sih.
Ipinangako pa nito na kumikilos na ang lokal na pamahalaan para mabigyan ng hustisya ang pagpaslang sa isa sa mga katuwang ko sa pangangalaga sa buong lungsod ng Malabon.
Si Sih ang pang-apat ng brgy. execs na pinaslang simula noong 2016.
- Latest