MANILA, Philippines — Magkakaloob ng tulong pinansiyal ang Quezon City Government sa 201 pamilyang naapektuhan ng site clearing para sa pagtatayo ng PNP Medical Plaza at iba pang pasilidad sa Camp Panopio sa Brgy. Kaunlaran Quezon City
Ang hakbang ay bilang tugon ng lokal na pamahalaan sa request na financial assistance ng Enlisted Men’s Barrio Panopio Compound Neighborhood Association, Inc (EMBPCNAI).
Nagpasa ang QC Council ng Resolution 7708-2019 na iniakda ni Councilor Irene R. Belmonte na naglalaan ang lokal na pamahalaan ng P2.01 million para mapagkalooban ng P10,000 kada pamilya para magamit sa pagsisimula ng buhay sa resettlement site.
Nagpasa rin ang konseho ng Resolution 7716-2019 nag nag-ootorisa kay Mayor Herbert M. Bautista na makipagkasundo sa Antipolo City, National Housing Authority at sa PNP para sa maayos na relokasyon ng mga apektadong pamilya sa Virgen Dela Paz, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Ang QC ay maglalaan ng P10 million financial assistance para ibigay sa Antipolo City na gagamitin para sa basic services sa mga ililipat na pamilya doon sa ilalim ng Resettlement Program of the national government.