2 pulis kalaboso sa kotong

Si Patrolman Arnel Agustin na dinakip ng kanyang mga kabaro makaraang ireklamo ng pangongotong ng mga truck driver sa Tondo, Manila.
Kuha ni Edd Gumban

MANILA, Philippines — Dalawang pulis ang ina­resto ng kanilang mga kabaro sa magkahiwalay na  reklamo nang pangongotong sa Taguig at sa Maynila.

Alas-12:30 ng tanghali kahapon nang arestuhin  ng pinagsanib na elemento ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) at PNP-Intelligence Group (PNP-IG) ang pulis na si Corporal Rommel Enrico, nakatalaga sa Bureau of Immigration and Deportation (BID)  sa isinagawang entrapment operation sa gate ng himpilan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Bicutan, Taguig City.

Ayon kay PNP-CITF Director P/ Colonel Romeo Caramat Jr. dinakma si Enrico  sa aktong tinatanggap ang P200,000.00 mula sa nagrereklamong biktimang nagpatago na lamang sa pangalang Shiela.

 Sa reklamo ni Shiela  hiningan siya ni Enrico ng P200,000.00 lagay kapalit ng pagpapabilis ng pagproproseso umano ng paglaya ng kaniyang Koreanong mister na si Kook Jin Chung na nakaditine sa detention facility ng BID.

 Ang nasabing Koreano ay overstaying umano sa bansa kaya inaresto ng mga awtoridad.

Nagdesisyon naman si Shiela na lumapit na sa mga operatiba ng PNP-CITF kung saan agad ikinasa ang entrapment operation na nag­resulta sa pagkakaaresto sa  nasabing parak.

Samantala sa Maynila naman, mistulang sa pelikula ang naging habulan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at isang pulis ng Northern Police District (NPD) nang dakpin ng una ang huli na sangkot sa pangongotong sa mga truck drivers, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila. Nakapiit ngayon sa Manila Police District -General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), ang suspek na si  Patrolman Arnel  Agustin, 35, residente ng Tondo at nakatalaga sa NPD Traffic Enforcement Unit. Nakorner ito ng mga miyembro ng  Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) sa may Road 10 dakong  alas- 7 ng umaga.

 Ayon kay P/Corporal Jed Magat, ng MDTEU, pinaalam umano ng truck driver na si Rico Aleon na sila ay pinuntahan ng suspek na inakala nilang pulis Maynila at kumokolekta ng P50 para payagan na makapanatili sa lugar. Nagalit  pa umano ang suspek sa P50 na ibinigay dahil hindi na umano uso ang P50 ngayon pero tinanggap rin naman ng suspek.

Nagkataon naman na  nakita ni Magat at kanyang kasama na si P/Corporal John Patrick Caranguian,si Agustin na nasa lugar pa at nakasuot ng uniporme at nang lapitan para sitahin, sinabi nito na iihi lamang siya kasunod noon ay biglang tumakbo.

Hinabol umano nila ang suspek hanggang sa ma- korner at mahuli kung saan nakumpiska ang isang .45 kalibre baril at isang kutsilyo.

Nabatid kay P/ Staff Sergeant Kaiser Mijares, ng GAIS ang suspek ay una nang nadismis sa serbisyo pero naibalik noong 2013.

Nagpapakilala umano itong miyembro ng MPD at may tatlong taon nang nango­ngotong sa lugar. 

Show comments