MANILA, Philippines — Kritikal na isinugod sa pagamutan ang isang pulis makaraang paluin ng bote ng alak sa ulo ng isang obrero na kaniyang sinisingil sa utang ng misis nito sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay nakilalang si PO3 Alexander Padre Acierto, 30, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at naninirahan sa Brgy. Old Balara, Quezon City.
Ang suspek na agad namang nadakip ay nakilalang si Canuto Hernani Omamalin, 55 at residente ng Purok 4-A, Rambulan St., Brgy. Culiat, ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. George Caculba ng CIDU-QCPD, dakong alas-8:00 ng gabi ay kinausap umano ng pulis ang suspek na bayaran na ang utang ng misis nito, subalit nagalit si Omamalin na noon ay lango sa alak.
Sa halip na magbayad ay dinampot ng suspek ang bote ng alak na kaniyang iniinom at biglang pinalo sa ulo ang pulis.
Duguang bumagsak ang pulis at agad itong isinugod sa Quezon City General Hospital, habang ang suspek ay inaresto. Nahaharap ngayon sa kasong frustrated murder ang suspek.