MANILA, Philippines — Nagkasa na rin ng sarili nilang ‘clean-up drive’ ang mga Pamahalaang Lungsod sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) kahapon nang magtulong sa paglilinis sa Tullahan River na diretsong dumadaloy tungo sa Manila Bay.
Nabatid na parte ng “Battle for Manila Bay” ang ikinasang paglilinis ng lokal na mga pamahalaan na isinama rin ang mga estero at ilog na kanilang nasasakupan.
Kasama ang higit 500 volunteers, mga opisyal ng barangay at mga alkalde nina Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu, Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Metro Manila Development Authority Chairman Danilo Lim sa pagbubukas ng aktibidad sa Brgy. 164, Caloocan City.
Pinuri ni Cimatu ang aktibidad na umano’y pinakahanda, pinaka-organisado at pinakamaraming nakilahok sa mga lungsod na kanilang pinuntahan.
Nangako naman si Caloocan City Administrator Oliver Hernandez na magiging buo ang suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa rehabilitasyon ng Manila Bay at iba pang daluyan ng tubig na kumukonekta dito.