Sunog sa Muntinlupa, QC: 8 sugatan
MANILA, Philippines — Walo katao ang nasugatan matapos masunog ang ilang kabahayan, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Nakilala ang mga sugatan na sina Rodel Sodnun, 38; John Paul Dela Cruz, 15; Lea Autor, 45; Morquiri Calindo, 12; Kent Flarry, 18; Clous Villamor, 35; Felly Rose Polairo, 34 at Joshua Serenas, 27, residente ng Purok 6, Brgy. Sucat ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), sumiklab ang sunog alas-6:30 kamakalawa ng gabi sa Creekside ng naturang lugar.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa mga kabahayan.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy at kung magkanong halaga ng ari-arian ang napinsala.
Samantala, 24 na pamilya ang nawalan din ng tahanan sa sunog naganap kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) nabatid na dakong alas-5:00 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa isang residential area sa Brgy. San Roque, Quezon City.
Nagtagal ng mahigit sa isang oras ang sunog bago ito tuluyang naapula ng alas-6:42 ng umaga at umakyat sa ikatlong alarma.
Bahagya ring nadamay ng apoy ang ikalawang palapag ng Emilio Aguinaldo Elementary School.
Hindi pa batid ng mga kagawad ng arson investigator’s ang pinagmulan ng apoy, kung magkano ang halaga ng ari-arian ang naabo at wala naman naiulat na nasawi o kaya’y nasaktan sa nasabing sunog.(Mer Layson)
- Latest