MANILA, Philippines — Isasabak na ngayong unang linggo ng Abril sa regular na biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang unang set ng Dalian train na natapos nang isailalim sa commissioning at validation tests ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Communications Goddess Hope Oliveros-Libiran, tinatapos na lang nila ang ilang documentation requirements ng naturang Dalian train bago ito tuluyang mapabiyahe.
Sa sandali aniyang matapos ito ay inaasahang maihahanay na nila ang Dalian train sa regular na operasyon ng MRT-3.
Samantala, sinabi naman ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati wala naman silang nakitang anumang problema sa Dalian trains, lalo na at brand new naman ito.
“Wala kaming nakikita (problema) kasi unang-una brand new ‘yan. Pangalawa, we are looking at consistency of travel niya, malamig of course... bago ‘yung aircon niyan,” ayon pa kay Capati.
Matatandaang may 48 Chinese-made Dalian trains ang binili ng nakalipas na administrasyon para madagdagan ang mga tumatakbong tren ng MRT-3.
Hindi naman kaagad nagamit ang mga naturang tren dahil na rin sa compatibility issue.
Sa kasalukuyan ay tatlong set pa lamang ng Dalian trains ang naisailalim sa kinakailangang commissioning at validation tests kabilang ang 150 oras na Reliability, Availability, Maintainability and Safety (RAMS) validation run, ngunit isa pa lamang sa mga ito ang target na maidagdag sa regular na biyahe ng MRT-3.
Nabatid na bawat Dalian train set ay may 1,182-passenger capacity.