MANILA, Philippines — Aabot sa 2,068 tauhan ng Northern Police District (NPD) ang umakyat ng ranggo sa ginanap na ‘oath-taking’ sa Valenzuela City Astrodome, kahapon ng umaga.
Pinamunuan ni National Capital Regional Police Office Director, P/Major General Guillermo Eleazar at NPD Director, P/Brigadier General Rolando Anduyan ang programa sa panunumpa ng mga Police Non-Commissioned Officers (PNCOs).
Kabilang sa mga tinaasan ng ranggo ang 1,692 Police Corporals, 254 Police Staff Sergeant, 31 Police Master Sergeant, 53 Police Senior Master Sergeant, 31 Police Chief Master Sergeant at pitong Police Executive Master Sergeants.
Kasabay ng kanyang pagbati at papuri sa mga pulis, muling ipinaalala ni Eleazar ang patuloy na paglilinis sa kanilang hanay upang malinis sa mga scalawags.
Paiigtingin pa umano ang kanilang counter-intelligence upang matukoy ang mga tiwali sa katungkulan. Nanawagan ang heneral sa mga kaanak ng mga scalawags na pagpayuhan ang kanilang kaanak na pulis na tumigil na sa iligal na gawain.
Hinamon ni Eleazar ang mga bagong promote na pulis na huwag matukso sa tawag ng pera at sa halip ay ipagpatuloy ang tapat at masipag na serbisyo sa publiko upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan.