MANILA, Philippines — Mahigit sa 100 residente ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang nagsawa ng kilos protesta kahapon upang mariing tutulan ang nakatakdang demolisyon sa kanilang mga bahay kaugnay umano ng isasagawang modernization program.
Bandang alas-8:00 ng umaga nang mag-martsa ang grupong Kalipunan ng Mamamayan na Pinagkaisa sa NBP, Inc. (KAMPINA) ito ay upang makiusap sa mga opisyal ng lungsod na tulungan sila hinggil sa natakdang demolisyon sa loob ng NBP compound.
Kasabay nito, mariin nilang binatikos ang NBP Master Development Plan, na layong isapribado ang halos 366.7 ektarya na land area ng bilangguan.
Nabatid na ang mga pasilidad ng NBP ay iniulat na ililipat sa Nueva Ecija.
Sinabi ni Bella Diaz, presidente ng KAMPINA, dahil sa proyekto, libu-libong residente ng NBP ang nahaharap sa banta ng demolition partikular sa Makabuhay, Mapalad, Magnetic, Magdaong, Promise Land at Old Compound areas.
Ayon sa grupo, nag isyu ang NBP ng labing limang araw (15-days) na “notice to vacate” laban sa mga residente.
Pinutol din aniya ng NBP admin ang serbisyo ng tubig at kuryente sa ilang bahagi ng NBP compound. Ipinagbabawal din ang pagpasok ng mga construction material sa compound at ang tindahan ng mga construction materials ay ipinasara rin.
Ayon pa kay Diaz, nasa 30,000 pamilya ang maaapektuhan ng malawakang pagsasapribado dulot ng NBP Master Development Plan.
Pagsapit sa Muntinlupa City Hall ng mga residenteng nagprotesta, hinarap naman sila ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi at nangakong tutulungan silang makiusap sa pamunuan ng NBP.
Sa kabila na sinabi ni Fresnedi, na hindi nila sakop ang usapin sa NBP, dahil ang may hurisdiksyon dito ay ang National government o Department Of Justice (DOJ).
Handa naman aniya ang Urban Poor Affairs Office (UPAO) ng lungsod na pag-aralan ang problema ng mga maralitang komunidad sa loob ng compound ng NBP.