MANILA, Philippines — Patuloy ang kampanya kontra sa mga pasaway ng Northern Police District (NPD) makaraang higit 400 katao na lumabag sa iba’t ibang ordinansa pangunahin na ang pag-inom ng alak sa kalsada ang pinagdadampot sa buong magdamag mula nitong Sabado ng madaling araw hanggang Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ng NPD, nasa kabuuang 421 ang kanilang dinampot mula alas-5:00 ng madaling araw nitong Sabado hanggang alas-5:00 kahapon ng madaling araw. Sa naturang bilang, 105 ang pinagmulta habang 316 ang binigyan muna ng babala ng pulisya.
Pinakamarami ang dinampot sa Caloocan City na nakapagtala ng 280 mga pasaway. Nasa 111 sa mga ito ang nahuling umiinom ng alak sa mga pampublikong lugar, 60 dahil sa paninigarilyo, 52 ang walang damit pang-itaas, 44 kabataan ang dinampot dahil sa curfew habang 13 pa ang sangkot sa paglabag sa ibang ordinansa.
Nasa 38 naman ang dinampot sa Malabon City, 28 sa Navotas City at 75 sa Valenzuela City kabilang ang nasa 64 katao na nasangkot sa iba’t ibang insidente ng pambabato, away at riot o gang wars.
Sa tala naman ng National Capital Regional Police Office, nasa kabuuang 852,909 na ang nadadampot ng limang police district sa Metro Manila dahil sa paglabag sa mga lokal na ordinansa mula pa noong Hunyo 13, 2018 hanggang kahapon ng madaling araw.