‘Fact-checking’ sa mga kandidato, himok ni Lim sa mga boboto

MANILA, Philippines — Hinimok ng  nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo S. Lim ang mga botante sa lungsod na magsagawa ng masusing ‘fact-checking’ o pag-alam sa pagkatao ng lahat ng kandidato upang makagawa ng matalinong desisyon, kasabay nang suporta nito sa mensahe ni President Rodrigo Duterte na ‘you are what you vote (for).’

Binigyang-diin ni Lim na gaya ni Duterte, siya man ay naniniwala na ‘kung ano ang binoboto mo ay ganun ka rin o ang pagkatao mo’.

Sa isang pulong-ugnayan sa mga miyembro ng Muslim community sa ika-anim na distrito ng Maynila, nanawagan din si Lim sa mga residente na gamitin ang impormasyon na napakadaling makuha mula sa Internet upang pag-aralan ang karakter o pagkatao ng mga kandidato na humihingi ng kanilang boto.  

Sa kaso ng mga tumatakbo sa lokal na halalan sa Maynila, sinabi ni Lim na sa isang ‘click’ lang sa computer o cell phone ay madali nang makikita ng mga botante ang track record ng lahat ng kandidato mula sa pagka-alkalde hanggang sa mga Congressman at councilors.

Madali na rin umanong makita o makaliskisan kung ang isang kandidato ay tumatakbo para lang makapagnakaw sa kaban ng lungsod o para gamitin ang kanyang inaasam na posisyon para magpayaman.

Gayundin, maari ring bisitahin ng mga botante kung anu-ano ang mga nagawang kabutihan ng isang kandidato para sa kapakanan ng lungsod ng Maynila.

Ani Lim, nasa kamay  ng mga botante ang kapangyarihan upang baguhin o ayusin ng kanilang kinabukasan, sa pamamagitan ng pagluklok sa kapangyarihan ng mga taong karapat-dapat at may taglay na kakayahan at konsensiya upang gawin ang tama at makatutulong sa mga taga-lungsod, laluna sa mahihirap o kapos sa buhay.

Show comments