MANILA, Philippines — Nalambat ng pinagsanib na puwersa ng Valenzuela City Police at Manila Police District (MPD) ang tatlong hinihinalang karnaper makaraang mabuko ang tangka nilang pagsanla sa ninakaw na motorsiklo sa pamamagitan ng Facebook, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga nadakip na sina John Kristopher Banzagales, 30; John Paul Malena at Edmark Dumagas, 26. Pinaghahanap naman ang isa pa nilang kasama na si alyas Patrick Chua.
Sa ulat ng Valenzuela Police, alas-7 ng gabi nitong Marso 17 nang mawala ang isang Mio type scooter na pag-aari ni Efren Boncodin nang iwan niyang nakaparada sa tapat ng kanyang bahay sa E. Miranda Street, Brgy. Paso de Blas, ng naturang lungsod. Agad na ipinaalarma ito ng biktima sa Anti-Carnapping Unit.
Marso 20 nang sabihan si Boncodin ng kasamahan niya sa kanilang riders club na nakita niya ang scooter na nawawala sa isang buy and sell group sa Facebook. Isang lalaki ang kanyang nakausap at inalok siya na isanla ang scooter sa halagang P8,000 lamang at matatagpuan ang behikulo sa Sampaloc, Maynila. Kinausap ng asawa ng biktima na si Margie ang lalaking nagsasanla at ikinasa ang transaksyon.
Iniulat ito ni Boncodin sa Valenzuela City Police na nakipagkoordinasyon naman sa Manila Police District (MPD). Sa ikinasang follow-up operation, narekober ng mga pulis ang ninakaw na scooter dakong alas-8:30 ng gabi sa Balic-Balic, Sampaloc, Maynila habang naaresto si Malena.
Makaraan ang pagkakarekober sa scooter, isang lalaki ang tumawag kay Margie at nais makipagkita upang makipag-ayos umano sa kasong carnapping. Nakipagkita naman si Boncodin at Margie. Dito dinakip ng mga pulis ang mga suspek na sina Banzagales at Dumagas. Isa pang operasyon ang ikinasa sa Brgy. Lingunan, Valenzuela ngunit bigo na madakip ang suspek na si Chua.