MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng Bureau of Customs (BOC) na isubasta ang mga overstaying na container van na nakatengga sa Manila International Container Port (MICP) na nagiging sanhi ng masikip na daloy ng trapiko sa Maynila.
Ayon kay BOC Spokesperson Atty. Erastus Sandino B. Austria ito ang isang hakbang ng MICP Customs House Management upang lumuwag ang espasyo ng mga paglalagyan ng mga containers at maiwasang ihambalang ang mga container van sa kalsada.
Napag-alaman na may 400 container vans na ang nasuri kung isusubasta o kailangan nang wasakin alinsunod sa batas.
Upang mapadali ang eksaminasyon sa mga containers, nakipag-ugnayan ang MICP sa International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) upang magkaroon ng sapat na slot sa pagsasagawa ng regular examination schedules para sa pag-iinspeksyon ng mga itinuring na overstaying containers sa mga itinalagang examination area (DEA).
Nabatid na maglalagay rin ang MICP ng karagdagang tauhan sa Auction and Cargo Disposal Division sa pamamagitan ng pagtatalaga ng examiners mula sa Port’s Formal Entry Division na siyang mag-iinspeksyon sa mga nakatenggang containers.
Ang nasabing bilang ay mula sa 1,100 nakatenggang containers kung saan inaasahang matatapos ng MICP sa loob ng halos dalawang buwan ang natitira pang ibang containers vans.