Staff ng konsehal ng Maynila, huli sa kotong
MANILA, Philippines — Binitbit ng mga tauhan ng City Security Force (CSF) ng Manila City hall ang isang empleyado ng isang konsehal sa Maynila matapos ireklamo ng pangingikil sa OFW sa loob mismo ng opisina ng piskalya kapalit ng paglaya ng kanyang kapatid na nakasuhan ng ‘simple seduction’.
Sa sinumpaang salaysay ng complainant na si Cresilda Doctolero, 37, ng Palapad San Fabian, Pangasinan, ipinakilala sa kanya ng isang nagngangalang June ang suspek na si Evangeline Argareo, 62, na staff umano ng isang konsehal sa ika-6 na distrito habang naghihintay umano sila kay ACP Glenn Romano sa 3rd flr ng Manila City hall upang magtanong hinggil sa kaso ng kanyang kapatid na si Raymond Ocon.
Si Argareo umano ang tutulong sa kapatid ng complainant upang mapalaya sa kasong nabanggit na isinampa noong Pebrero 21.
Batay sa complaint ni Doctolero, humingi si Argareo ng P5,000 para umano kay piskal Romano upang hindi na umakyat pa ang kaso at ma-hold na ang papel.
Sinabi rin umano ng suspek na mabigat ang kaso ng kanyang kapatid na Rape, RA 7610 at walang piyansa.Dahil sa takot, agad na nagbigay ng halagang P5,000 si Doctolero sa suspek.
Pebrero 24 nang bumalik si Doctolero sa MCH at muli siyang hiningan ni Argareo ng halagang P1,000 para naman sa pag-type umano ng papel ng kanyang kapatid.
Nagbigay naman ng katiyakan si Argareo na makakalabas kinabukasan ang kapatid ni Doctolero kasabay ng pagsasabi na magdala ito ng branded na alak para sa piskal.
Subalit nasundan pa ang pangingikil ni Argareo kay Doctolero nang sabihin nito kinabukasan na ayaw na ng piskal ang branded at sa halip ay magbigay na lamang ito ng P5,000.
Marso 13, hinanap ni Doctolero si Piskal Romano at doon lamang niya nalaman na na-dismis na ang kaso ng kanyang kapatid.
Dito na sinabi ni Doctolero kay Piskal Romano na hiningan siya ng kabuuang halagang P6,000 ni Vangie dahilan upang ikagalit ng huli at ipadampot ito sa CSF.
- Latest