Sunog sa Quezon City: 900 katao nawalan ng tahanan
MANILA, Philippines — Tatlo ang nasugatan habang nasa 900 pamilya naman ang nawalan ng tahanan sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Quezon City, kahapon ng tanghali.
Sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection Supt. Jaime Ramirez, nabatid na ang sunog ay nagsimula dakong alas-12:15 ng tanghali sa Sitio Pajo, Brgy. Baesa, Quezon City.
Ayon sa report, nagsimula ang sunog sa 153 Sitio Pajo sa tahanan ng isang Romy Maniago na mabilis na kumalat sa mga kalapit na bahay dahil pawang gawa lamang sa kahoy at iba pang light material.
Hirap makapasok ang mga fire truck sa lugar ng sunog dahil sa masikip na kalsada kaya bayanihan ang mga residente para patayin ang apoy.
Mahigit sa 300 bahay ang naabo sa sunog na pumalo sa Task Force Bravo ang alarma bago ito naapula dakong alas-2:00 ng hapon.
Pansamantalang kinakalinga ngayon sa covered court ng Sitio Pajo, Baesa, Quezon City ang mga nasunugang pamilya.
- Latest