Pulis pa dawit sa kidnap at kotong, arestado
Hepe ng Pasay City Police, 43 pa sibak sa pwesto
MANILA, Philippines — Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) at PNP-Intelligence Group (PNP-IG) ang isang pulis na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City Police matapos na ireklamo ng kidnapping at extortion habang nakatakas naman ang hepe nito at dalawa pang kasamahan sa isinagawang entrapment operation sa kanilang tanggapan sa lungsod nitong Miyerkules.
Kinilala ni PNP-CITF Commander Police Colonel Romeo Caramat Jr., ang nasakoteng suspect na si Police Corporal Anwar Encarnacion Nasser.
Nakatakas naman sa operasyon ang hepe nito na si Lieutenant Ronaldo Frades, SDEU Officer-in-Charge, mga kasamahang sina Police Staff Sergeant Rigor Octaviano at Patrolman Anthony Fernandez.
Bandang alas-4:10 ng madaling araw, ayon kay Caramat nang isagawa ng PNP-CITF at PNP-IG ang entrapment operation sa pakikipagkoordinasyon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Guillermo Eleazar sa SDEU Office, Police Station (PS) 1 ng Pasay City Police.
Sinabi ni Caramat ang mga suspect ay sangkot sa kidnap- for-ransom racket na isinailalim muna sa surveillance operation bago isinagawa ang entrapment operation.
Gayunman, nakatakas ang hepe ng nasabing SDEU Office at 2 pang kasamahan matapos na dumaan sa backdoor bitbit ang P100,000 marked money matapos na matunugan ang entrapment operation.
Ang operasyon ay isinagawa matapos na magreklamo si Joan dela Torre sa PNP-CITF hinggil sa paghingi umano sa kaniya ng mga suspect ng P100,000 kapalit ng kalayaan ng kaniyang live-in partner na si George Revilla na inaresto sa kasong umano’y may kinalaman sa droga.
Ayon kay Caramat, hindi agad nakapagbigay ng go signal ang ginang sa kanilang mga operatiba kaya nagawang mabilis na makatakas ng mga suspek.
Nasagip naman ng PNP-CITF at PNP-IG operatives si Revilla na ikinulong sa detention cell ng nasabing himpilan.
Samantalang napag-alaman pa na walang nakatala sa police blotter sa pagkakaaresto kay Revilla at wala ring opisyal na dokumentasyon sa pagkakaaresto rito sa anti-drug operation.
Ayon kay Caramat, wala ring nakuhang droga kay Revilla nang bitbitin ng nasabing mga parak sa kanilang himpilan kung saan ito ikinulong at ipinatutubos pa ng P 100,000 sa kaniyang live-in partner.
Kasalukuyan na ngayong nasa kustodya ng PNP-CITF sa Camp Crame si Nasser na nahaharap sa kasong kidnapping for ransom.
Kaugnay nito, sinibak din sa pwesto si Colonel Noel Flores, hepe ng Pasay City Police; 15 police na nakatalaga sa Pasay City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at 27 pang police na nakatalaga sa iba’t ibang departamento.
- Latest