Elevator dumausdos mula 52nd floor: 14 sugatan
MANILA, Philippines — Sugatan ang 14 katao karamihan ay mga callcenter agent nang mag-malfunction at dumausdos ang elevator sa isang gusali sa Makati City, kahapon ng umaga.
Nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati (OsMak) sina Ace Sierda 28; Narciso Sermonia, 29; Perry Benig, 35; Randy Serda, 50 at Rowel Cristobal, 30 matapos magtamo ng sugat sa kanilang katawan.
Samantalang ginagamot naman sa Makati Medical Center (MMC) sina Chem Xin Guang 36; Tiou Chineng, 48; Daltray Reyes, 28; Hermino Samson, 29; Patrick Jayson Lacsaman, 36; Rolando Villarina, 56; John Carl Eraña, 25; Joseph Libre at Aristole De Vera, pawang nasa hustong gulang.
Karamihan sa mga nasugatan ay nagtamo ng mga bukol, bali at ang iba ay dumanas ng matinding pagkahilo at pagsusuka.
Ayon sa hepe ng Makati City Police na si Sr. Supt. Rogelio Simon, naganap ang insidente alas-10:15 kahapon ng umaga sa isang gusali sa Ayala Avenue, Brgy. Bel-Air, ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na nakasakay ang 28 katao sa elevator ng naturang gusali at dahil overload, nag-malfunction ito, kung kaya’t mula sa ika-52 palapag biglang bumilis ang takbo nito pababa.
Isa sa tinitingnang dahilan ay pagkalas ng kable.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing insidente.
- Latest