‘Oplan Baklas’ umarangkada sa QC

Ang Task Force Tear Down “Oplan Baklas” ay pinangunahan nina QCPD Director Police Brigadier General Joselito Esquivel Jr. at Comelec Officer Atty. Maan Gonzales.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Umarangkada kahapon sa Quezon City  ang ‘Oplan Baklas’ na pinangangasiwaan ng Quezon City Police District (QCPD) at ng Commission on Elections (Comelec ) na nag-alis  ng mga tarpaulin at posters ng mga kandidato na ikinabit sa hindi tamang lugar.

 Ang Task Force Tear Down “Oplan Baklas” ay pinangunahan nina QCPD Director Police Brigadier General Joselito Esquivel Jr. at Comelec Officer Atty. Maan Gonzales.

 Nasa 200 namang pulis ang nakilahok at nagbigay seguridad sa ‘Oplan Baklas’ team  kung saan alas-3 pa lamang ng madaling araw ay nagsimula na ang mga itong mag-ikot at pagbabaklasin ang mga tarpaulin at posters ng mga kandidato na wala sa common posters area.

Iginiit ni Esquivel, dapat sumunod ang mga supporters ng mga kandidato na sa common poster area ilagay ang kanilang mga campaign materials at sundin din ang itinatadhanang sukat ng Comelec.

Samantalang bukod sa marumi umanong tingnan ay delikado rin kung sa bawal na lugar ilalagay ang mga campaign paraphernalia.

Inihayag naman ng Comelec officer na hindi pa nila mapapanagot sa batas ang mga kandidato sa local polls dahilan sa Marso 29 pa ang campaign period para sa mga ito.

Kaugnay nito, nagbabala naman si Esquivel  na aarestuhin ang sinumang mahuhuling naglalagay ng mga campaign materials sa mga ipinagbabawal na lugar.  

Show comments