21 tonelada ng basura nahakot sa baybayin ng Navotas
MANILA, Philippines — Aabot sa 21 toneladang basura ang nahakot ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa baybayin ng Manila Bay na sakop ng lungsod, kamakalawa.
Pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco ang isinagawang ‹clean-up drive› katuwang ang nasa 250-tauhan buhat sa Bureau of Fire Protection, mga fire volunteers, at mga street sweepers ng lokal na pamahalaan sa baybayin ng karagatan sa Brgy. Bagumbayan North.
Sinabi ni Tiangco na nasa 21,000 kilo o 21 tonelada ng basura ang nahakot sa aktibidad.
Ang clean-up drive ay isinasagawa kada linggo sa iba’t-ibang barangay sa lungsod bilang ayuda sa ikinasang «Battle for Manila Bay» nitong nakaraang Enero na layong linisin ang look ng Maynila.
Patuloy na nanawagan si Tiangco sa mga residente na naninirahan sa baybayin ng dagat at ilog na tigilan na ang iresponsableng pagtatapon ng basura sa katubigan dahil sa perwisyong dulot nito sa pagbabaha at pagkasira ng kalidad ng tubig.
- Latest