MANILA, Philippines — Sinimulan na kahapon ng mga ahensya ng gobyerno kabilang sa “Task Force Baklas” ang pag-aalis ng mga iligal na campaign materials sa ilang mga lugar sa Metro Manila.
Pinangunahan ito nina Commission on Elections Spokesperson James Jimenez; Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim; MMDA General Manager Jojo Garcia; Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde; National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Gen. Guillermo Eleazar; Department of Public Works and Highways - NCR Maintenance Division OIC Engr. Reynaldo Rosario; at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra ang operasyon.
Sinabi ni Jimenez na ang mga kandidatong lumabag sa patakaran sa paglalagay ng campaign posters ay binigyan ng notice bago nila isagawa ang operasyon.
Idinagdag pa nito na bahagi ng operasyon ang documentation at preservation ng mga nakuhang campaign materials na gagamitin sa pagsasampa ng reklamo sa mga lumabag na kandidato.
Ayon naman kay MMDA Chairman Danilo Lim, tuluy-tuloy ang gagawing pagbabaklas ng mga MMDA personnel sa mga iligal na election materials sa mga pangunahing kalsada.
“Umaasa ako na boluntaryo nang tatanggalin ng mga kandidato ang kanilang mga campaign materials at hindi na hintayin ang TF Baklas na alisin ang mga ito,” ani Lim.
Dala ang mga manlifters at adjustable ladders, nasa 300 tauhan ng nasabing mga ahensya ang dineploy sa Malate at San Andres, Bukid sa Maynila para tanggalin sa mga kalsada ang mga campaign materials ng mga kandidato.
Karamihan sa mga nakolektang campaign posters at streamers ay nakalagay sa mga poste at kawad ng kuryente, mga puno, poste ng ilaw, pader ng mga pampublikong establisimento at mga nasa signboard ng ilang public properties.
Binaklas din ang ilang iligal na campaign posters sa Epifanio Delos Santos Avenue-Pasay.