MANILA, Philippines — Nangangamba ang Ang Probinsyano Party-List (AP-PL) sa pag-apruba ng Republic Act 11203 o ang rice tariffication act dahil lalong liliit ang kita ng mga magsasaka at lalakas pa ang rice smuggling sa bansa.
Ayon sa Ang Probinsyano, dapat mabigyan ng sapat na ayuda ang mga magsasaka upang masigurong kayang makipagsabayan sa mga produktong iaangkat mula sa ibang bansa.
Tinatayang bababa ang presyo ng bigas mula P2 hanggang P7 kada kilo bunsod ng batas.
“Kinakailangang ding paigtingin ang operasyon laban sa smuggling ng bigas upang mas maprotektahan natin ang mga magsasaka at mamimili. Dapat na mas maging mahigpit ang seguridad sa ating mga ports of entry sa buong bansa.” sabi pa ni Ronnie Ong na nominee ng Ang Probinsyano.
Naniniwala si Ong na kailangang makinabang ang mga consumers sa murang bigas subalit dapat ding tiyakin ang proteksiyon ng mga magsasaka.
Ayon kay Ong, kung maihalal, sisiguraduhin at gagawing prayoridad ng AP-PL sa Kongreso ang tamang paggamit ng Rice Competitiveness Enhancement Fund para sa mga magsasaka.