MANILA, Philippines — Dalawang miyembro ng Eastern Police District (EPD) ang sugatan makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy- bust operation sa Pasig City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang sugatang pulis na kapwa ginagamot ngayon sa magkahiwalay na pagamutan ay sina PO2 Marlou Roldan, na nakatalaga sa Pasig Police Community Precint Station 9, at PO2 Mark Vista, na nakatalaga sa District Special Operations Unit ng EPD.
Ayon kay PDEA-NCR director Joel Plaza, dakong alas-5:30 ng hapon nang magsagawa sila ng buy- bust operation laban sa isang Raymond Ryan Cruz, 35, sa Bgy. San Joaquin Pasig City.
Pagdating sa lugar ng mga tauhan ng PDEA at kasalukuyang isinasagawa ang pagbili ng droga nang “kumasa” at makipagbarilan umano ang dalawang kasama ni Cruz.
Nagpakilala na lang na pulis si Roldan nang masugatan ito sa putukan kaya mabilis na isinugod sa East Avenue Medical Center habang si Vista ay mabilis na tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Pero natunton din si Vista na nagpapagamot sa Rizal Medical Center sa Pasig dahil sa tinamo niyang tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Nakuha kay Roldan ang kanyang issued service firearm at dala nitong motorsiklo na nakitaan ng 9 na sachet ng hinihinalang shabu.
Nakuha naman sa target na si Cruz ang plastic pouch na may nasa 430 gramo ng droga ang laman na nagkakahalaga ng P2.9 milyon.
Tumanggi si Cruz na magbigay ng pahayag kung papaano niya nakasama ang dalawang pulis.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng PDEA para mabatid ang kaugnayan ng dalawang pulis kay Cruz.