Mga nurse sa UST Hospital, magpoprotesta

Ayon sa isang nurse na miyembro ng UST Hospital Employees’ Association (USTHEA), kulang sa mga tauhan ang ospital kaya pwer­sado silang magtrabaho kahit lagpas na sa oras ng kanilang duty.

MANILA, Philippines — Nanganganib na mapilay ang operasyon ng UST Hospital bunsod sa nakaambang pag-aaklas ng may 579 nurse dahil sa mababang sweldo at sapilitang pagtatrabaho ng 12 oras.

Ayon sa isang nurse na miyembro ng UST  Hospital Employees’ Association (USTHEA), kulang sa mga tauhan ang ospital kaya pwer­sado silang magtrabaho kahit lagpas na sa oras ng kanilang duty.

Aminado rin ito na madalas ay hindi nila naibibigay ang tama at mataas na kalidad ng serbisyo sa mga pasyente dahil sa sobrang pagod. Aniya, walang makapipigil sa kanila na mag-aklas kapag hindi naresolba ng USTH ang kanilang mga sentimyento.

Sa isinumiteng notice of strike ng unyon sa National Labor Relations Commission (NLRC) noong Pebrero 11, lumitaw na mayroong 965 kawani ang USTH at 579 rito ay bahagi ng samahan ng mga manggagawa ng pagamutan.

“Doon sa unjust labor practices na nangyayari sa loob ng hospital, mostly dinadanas ito ng mga nurses. Kulang-kulang ang staff, dahil dito nagsa-suffer ’yong patients at ‘yong quality of service,” dagdag ng nurse.

Itinatakda ng Labor Code of the Philippines na dapat tumanggap ng karagdagang 25 porsyento sa kanilang sweldo ang mga empleyadong nagtatrabaho ng mahigit sa itinatakdang walong oras lang kada araw.

Samantala, sinabi ng nurse na iminungkahi pa nila sa pamunuan ng USTH na isara ang ilang unit o ward para makatanggap sila ng mas maraming pasyente. Pero dinedma umano ito ng administrasyon at sa halip ay nagbukas pa ng bagong  intensive care unit.

Kabilang din sa inire­reklamo ng mga empleyado ang contractual hiring process ng USTH na nagsimula noong  2008. 

Show comments