MANILA, Philippines — Dalawang sasakyan na pagmamay-ari ng reelectionist na si Senator Joseph Victor ‘JV’ Ejercito, kabilang ang isang sports utility vehicle (SUV) at ang kanyang itinuturing na ‘lucky car’, ang nadamay at natupok sa sunog na sumiklab sa isang auto shop sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Mismong ang senador ang nagkumpirma na ang kanyang 10-taong Toyota Sequioa, ay nadamay sa sunog na sumiklab sa Autoplus Car Center sa EDSA malapit sa Connecticut St., Brgy. Wack-wack dakong alas-11:35 ng umaga.
“I feel sad, my car for the past 10 years, my Toyota Sequioa burned in the fire at Autoplus Car Center this morning,” tweet pa ng senador.
“Feeling sentimental because we’ve been through so many battles and it was my most reliable, not to mention ‘lucky’ car. Will be missing this car,” aniya pa.
Bukod naman sa naturang sasakyan, iniulat ring napinsala rin sa sunog ang isa pang Ford Everest ng senador.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot lamang naman ng ikalawang alarma ang sunog, na naideklarang under control dakong alas-11:56 ng umaga.
Idineklara ito ni Mandaluyong BFP F/Supt. Cristine Cula na fireout dakong alas-12:38 ng tanghali.
Maliban naman sa pagkasunog ng mga high-end o mamahaling sasakyan, ay wala namang iniulat na nasugatan o nasaktan sa sunog.
Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.