MANILA, Philippines — Naghain ng not guilty plea sa Manila Regional Trial Court ang sinasabing middleman na si Kenneth Dong sa P6.4-billion shabu shipment mula sa China.
Guwardiyado ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Dong nang dumating sa sala ni Manila RTC Branch 46 Presiding Judge Rainelda Estacio-Montesa.
Sinasabing si Dong ang middleman ng negosyanteng si Richard Tan, may ari ng Hog Fei Logistics warehouse sa Valenzuela City kung saan natagpuan ang mga kargamento. Kahapon ay sinimulan na ng korte ang pagdinig sa kasong illegal drug importation kasama sina Mark Taguba na fixer sa Bureau of Customs, Anoche Dee at Eirene Mae Tatad na consignee ng nasabing shipment.
Pebrero 3 nang madakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) sa Katarungan Village, Muntinlupa City matapos ang matagal na pagtatago.
Paliwanag ni Dong, wala siyang anumang pananagutan dahil nagsilbi lamang siyang translator at referal ng mga kliyente. Hindi umano siya nakikialam sa shipment.
Samantala,sinabi naman ni Atty. Raymond Fortun, legal counsel ni Taguba na hinihintay nila ang desisyon ng korte para sa petition for bail nina Taguba at Tatad.