Tubig, iba pang liquid pwede na uli sa LRT at MRT

Ayon sa DOTr, kabilang sa mga papayagang maipasok sa tren matapos na sumailalim sa inspeksyon ay tubig, gatas, paba­ngo, lotion at iba pa, sa kondisyong ang mga ito ay hindi lalampas ng 100ml ang dami.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na maaari nang magpasok ng tubig at iba pang li­quid items sa Light Rail Transit Line 1 at Line 2 (LRT 1,2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngunit ito’y hindi dapat na lalampas ng 100 milliliters (ml).

Ayon sa DOTr, kabilang sa mga papayagang maipasok sa tren matapos na sumailalim sa inspeksyon ay tubig, gatas, paba­ngo, lotion at iba pa, sa kondisyong ang mga ito ay hindi lalampas ng 100ml ang dami.

Matatandaang ka­makailan ay naghigpit ang DOTr dahil na rin sa rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) na hindi na papayagan ang pagpasok ng mga liquid items sa mga istasyon ng MRT at LRT dahil na rin sa banta nang pagpapasabog.

Marami naman ang umalma sa ipinatupad na mahigpit na seguridad sa MRT-3 dahil kahit kaunti lamang ang dalang likido ay hindi pa rin ito pinapayagan at kinukumpiska pa rin ng mga guwardiya.

Una nang nilinaw ng MRT-3 na ang mga nakumpiskang liquid items gaya ng pabango, lotion, alcohol, sanitizer at iba pa ay maaring balikan at bawiin ng mga pasahero sa istasyon kung saan ito nakumpiska. 

Kamakailan lamang ay lumikha ng ingay ang naturang kautusan makaraang isang Chinese student ang nagsaboy ng taho sa isang MRT cop sa istas­yon matapos pagpaliwanagan ng huili na hindi pwedeng ipasok ng una ang dala niyang taho.

Show comments