MANILA, Philippines — Pinaghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista sa mas mabigat na daloy ng trapiko bunsod ng gagawing pagsasara ng Tandang Sora flyover at intersection para sa konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) 7 sa susunod na linggo.
Simula alas-11:00 ng gabi ng Pebrero 23, ang apat na lane ng Tandang Sora flyover at intersection sa may Commonwealth Avenue ay isasara bilang paghahanda sa konstruksyon ng MRT-7 Tandang Sora station at elevated guideway and pocket track.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia tatagal ang closure ng dalawang taon na makakaapekto sa higit 100,000 motoristang bumabiyahe sa Commonwealth Avenue at 2,000 hanggang 3,000 motoristang tumatawid naman sa Tandang Sora intersection.
Ida-divert sa isang temporary U-turn slot na may layong 500 metro mula sa Tandang Sora intersection ang mga apektadong motorista.
Ani Garcia, ang paglalagay ng elevated U-turn slot sa lugar ay iminungkahi ng MMDA para makatulong mapagaan ang daloy ng trapiko kung saan ginagawa ang MRT 7.
“Inutusan na natin si Director Neomie Recio ng MMDA Traffic Engineering Center para bisitahin ang lugar at pag-aralan kung saan ilalagay ang elevated U-turn,” saad ni Garcia.
Ang panukalang elevated U-turn slot na gawa sa bakal ay maaaring maitayo sa loob ng tatlong buwan.