Inirekomenda ng BI
MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Legal Division ng Bureau of Immigration (BI) ang pagsasampa ng deportation case laban sa Chinese national na inaresto matapos na sabuyan ng taho ang isang MRT cop sa Mandaluyong noong Sabado.
Si Zhang Jiale, 23, ay pinigilan ni PO1 William Cristobal na makapasok sa MRT station na may dalang taho. Dito na sinaboy ni Zhang ang dalang taho sa unipormadong pulis.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, kinakitaan ng probable cause ang insidente kaya’t naghain ang Legal Team ng deportation case laban kay Zhang.
Sa katunayan umano, maaari rin silang maghain ng motu proprio, dahil makikita naman sa mga larawan kung ano ang ginawa ni Zhang kay Cristobal.
Nag-viral sa social media ang larawan ng pagsaboy ng taho ni Zhang kay Cristobal. Iginigiit ni Zhang na “bad mood” lang siya at humingi ng paumanhin.
Dismayado naman si BI Commissioner Jaime Morente sa nangyari sa pagsasabi na walang karapatang magyabang at mambastos ang mga dayuhan lalo na sa isang public officials.
Dumating sa bansa si Zhang noong October 2018 na may hawak na Special Resident Retiree’s Visa. Si Zhang ay awtomatikong ilalagay sa watchlist ng BI.