Sa illegal quarrying
MANILA, Philippines — Labingsiyam katao kabilang ang dalawang Korenao ang dinampot ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (NBI-EnCD), sa aktong iligal na nagmimina ng buhangin sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Pampanga, noong nakalipas na Pebrero 7.
Sa pulong-balitaan kahapon sa NBI main office, iniharap sa mga mamamahayag ang mga suspek na sina Gi Man Lee at Jeong Sunmi, kapwa Korean nationals na sinasabing operator ng quarrying equipments ng kompanyang Sammi Vibro; mga Pinoy na sina Pohn Paul Sumat; Jory Sabacan; Alberto Lingad; Joseph De Leon; Sandy Vosotros; Alex Basilio; Fernando Tomas; Tyron Manalo; Mark Glen Reyes; at Lamix Abogan, na pawang inaresto sa Barangay Dolores, Bacolor, Pampanga.
Sa kasabay na operasyon ng isa pang team ng NBI-EnCD, dinakip naman ang mga tauhan ng BM Marimla Plant sa Brgy. Calsadang Bayu, Porac, Pampanga na sina Alfer Nueva; Rodolfo Pineda; Higinio Javate at Ener Dela Cruz.
Sinabi ni NBI-deputy director at spokeperson Atty. Ferdinand Lavin, nakatanggap sila ng reklamo hinggil sa lantarang pagmimina ng mga nasabing kompanya na wala namang kaukulang permit.
Isinailalim na sa inquest proceedings sa Prosecutor General-Task Force Enviromental Laws sa Department of Justice sa Maynila kaugnay sa paglabag sa Section 103 (Theft of Minerals) ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995. (Alecsis Edel-trainee)