MANILA, Philippines — Bukod sa kakasuhan, plano ring ipa-deport ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang bastos na Chinese female student na nanaboy ng taho sa naka-unipormeng pulis na nakatalaga sa Metro Rail Transit line-3 (MRT-3) sa Boni Station sa Mandaluyong City noong Sabado ng umaga.
Sinabi ni NCRPO chief, P/Director Guillermo Eleazar na irerekomenda nila na ikunsidera na maging “undesirable alien” si Jiale Zhang, 23 na magiging basehan para sa deportasyon ng Bureau of Immigration (BI).
“Hindi lang naman sa kanya isinasagawa ito kundi sa lahat. Kahit sino sa atin na nandito, pagganyan ang gagawin mayroong corresponding action na dapat gawin ang ating mga pulis,” ayon kay Eleazar.
We can’t just imagine kung paano at kung gaano kawalang-galang. Siyempre kahihiyan ito sa ating uniporme,” dagdag ng heneral.
Samantala, bago ito ay plano naman ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na tuluyan nang i-ban ang nasabing Chinese national sa MRT-3.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Communication Goddes Hope Libiran, nais nilang sampulan at bigyan ng leksiyon si Zhang upang hindi na ito pamarisan ng iba at sa halip ay sumunod sa kanilang panuntunan.
“We want to emphasize to the public na may mga rules kami na dapat sundin para na rin sa inyong kaligtasan” sabi ni Libiran sa mga pasahero ng MRT-3.
Aniya, malalaman sa susunod na linggo ang kanilang desisyon kung magiging permanente o pansamantala lamang ang ipapataw nilang ban kay Zhang.