MANILA, Philippines — Siyam na magkaka-mag-anak ang nalitson nang buhay matapos ma-trap sa nasunog na dalawang palapag nilang bahay na hinihinalang dahil sa naiwang nakasaksak na computer sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Kabilang sa nasawi sina Michael, 44; mga anak na sina Mark Joseph, 23; John Clark, 17 at Andrew James, 11-anyos. Nakaligtas naman ang ina ng tahanan na si Jasmine Guablas Calma matapos itong tumalon sa bintana.
Nasawi rin sa insidente ang kapatid ni Jasmine na si Julius Guablas, 39; misis nitong si Rheadela, 40; at mga anak na sina Jhulea, 16, Nichole 9; Andrei James, 3-anyos na pawang nakatira sa unang palapag ng bahay.
Ayon sa inisyal report na natanggap ni Sr. Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, naganap ang sunog alas-2:00 ng madaling araw sa 336 Almazor St., Brgy. 185, Maricaban ng nabanggit na lungsod.
Kwento ni Jasmine, nagising siya dahil sa amoy usok, na inakala nito na may nagsisiga lamang sa labas, ngunit nang tingnan niya sa ibaba ng bahay, napansin niyang malakas na ang apoy at usok.
Sabi ni Jasmine, kaagad niyang ginising ang mister na si Michael, na nakaligtas pa sana, ngunit binalikan nito ang kanilang mga anak, kung kaya’t na-trap na din ang mga ito at hindi na nakalabas sa nagliliyab nilang bahay.
Dahil makipot ang daan, nahirapan ang mga bumbero na makapasok sa lugar.
Mabilis na kumalat ang apoy kung kaya’t hindi na nagawang maisalba ang mga biktima at dito na nga natagpuan ang kanilang mga sunog na bangkay.
Sa assessment ng Pa-say City Bureau of Fire Protection (BFP), tatlong sunog na bangkay ang natagpuan sa comfort room, dalawa sa 2nd floor, isa sa kusina, isa sa kuwarto at dalawa sa ibaba palabas ng bahay.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at alas-3:14 ng madaling araw nang ideklara itong under control.
Tinatayang aabot sa P50,000 ang halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog.
Umapela rin si Jasmine ng tulong para maayos na maipalibing ang kanyang mga mahal sa buhay.
Patuloy pa ring inaalam ang tunay na naging sanhi ng sunog.