MANILA, Philippines — Labing-isang high school student na pawang naka-school uniform pa ang naaktuhan ng mga pulis sa isang drug session sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Ang mga estudyante ay nasa edad 14 hanggang 17-anyos.
Ayon sa report na isinumite ni Chief Inspector Gideon Inis, deputy chief of police for operation sa tanggapan ni Sr. Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, alas-6:00 ng gabi nang magkasa sila ng anti-criminality operation sa Consular Area, Brgy. Southside ng naturang siyudad.
Ito’y matapos silang makatanggap ng reklamo hinggil sa pagiging maingay ng mga suspect na nakakabulahaw sa ilang residente.
Nang respondehan ang lugar ay doon tumambad sa kanila ang mga high school student na gumagamit ng marijuana.
Nabatid na nag-cutting classes pa ang mga estudyante nang mahuli ng mga awtoridad.
Bukod sa marijuana, nakasamsam din ang mga awtoridad ng mga drug paraphernalia.
Itinurn-over ang mga estudyante sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa Maynila, arestado din ang estudyanteng si Rico Narag, 19, ng Arellano University nang masamsaman ng dalawang plastic ng marijuana.
Dakong alas-3:10 ng hapon kamakalawa nang makita sa backpack ni Narag ang dalawang plastic ng marijuana habang dumadaan sa Standard Operating Procedure ng unibersidad.
Dahil dito, agad na pinigil ng guwardiya ang suspek at saka itinurn-over sa MPD-PS 4.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 kilala bilang Dangerous Drugs Act of 2002,ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office. - Doris Franche