3 timbog sa pagbebenta ng pekeng PNP athletic shoes
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group Anti Fraud and Commercial Crimes Unit (PNP-CIDG-AFCCU) ang tatlo katao matapos mahuli ang mga ito sa pagbebenta ng 100 pares ng mga pekeng PNP athletic shoes sa isinagawang entrapment operations sa Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP-CIDG AFCCU Chief P/Supt Raymund Liguden ang mga nasakoteng suspect na sina Mark Coporal, 33; courier at residente ng Montalban Rizal; Lorenzo Celestial, 35, driver at Rail Ramirez, 25; pawang ng Parang, Marikina City .
Bandang alas-11:30 ng tanghali nang isagawa ng mga operatiba ang entrapment operation laban sa mga suspek sa kahabaan ng Scout Gandia Street sa panulukan ng 11th Jamboree, Kamuning, Quezon City.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagbebenta ng mga suspek ng mga pekeng PNP athletic shoes.
Nang makumpirma ang ulat ay agad nagsagawa ng entrapment operations ang mga operatiba at nahuli ang mga suspek sa aktong nagbebenta ng 100 pares ng mga pekeng produkto na nagkakahalaga ng P170,000.00 sa poseur buyer ng PNP-CIDG-AFCCU.
Nakumpiska rin sa operasyon ang isang unit ng Mitsubishi L 300 FB van na may plakang UNQ -687 na ginamit ng mga suspek sa transaksyon.
Nabatid na isinagawa ang operasyon matapos na magreklamo ang JP Group of Companies Inc na kinatawan ni Aristemedes Segismar na may mga grupong pinepeke ang kanilang produkto.
- Latest