Bagong pasok sa kulungan, dedo sa bugbog ng 3 ‘kakosa’
MANILA, Philippines — Patay ang isang bagong pasok na drug detainee nang pagtulungang gulpihin ng tatlong kapwa nito preso matapos umanong mapagkamalang police asset, kamakalawa sa loob ng custodial facility ng Parañaque City Police Station.
Alas-10:07 kamakalawa ng gabi nang ideklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Parañaque ang biktimang si Benjie Baltazar, 23 dahil sa matinding pinsala na tinamo nito sa buong katawan.
Kinilala naman ang mga suspect na kapwa detainee ni Baltazar na sina Richard Baylon, 39; Andrew Barba, 40, at Belmar Borja, 25, na pawang dawit sa iba’t ibang kaso.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Parañaque City Police, naganap ang insidente alas-12:30 ng hapon sa loob ng custodial facility ng Parañaque City Police Station sa Brgy. San Dionisio nang pagtulung-tulungang bugbugin ng mga mga suspect ang bagong pasok sa kulungan na biktima matapos umano itong mapagkamalang police asset.
Inawat lamang ng isa sa mga detainee ang mga suspect kaya natigil ang panggugulpi dito.
Subalit, bandang alas-9:00 ng gabi ay muling ginulpi nina Baylon; Barba at Borja si Baltazar, dahilan upang sumuka ito ng dugo at bumagsak sa semento.
Kaagad na dinala nang rumespondeng rescue team ang biktima sa nabanggit na ospital, subalit idineklara itong DOA.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente at aalamin na rin kung nagkaroon ng kapabayaan ang nakatalagang pulis na nakabantay sa naturang custodial faci-lity.
- Latest