MANILA, Philippines — Bilang suporta sa rehabilitasyon ng Manila Bay, ipinasara na pansamantala ni Manila Mayor Joseph Estrada ang Manila Zoo.
Una nang tinukoy ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang Manila Zoo na isa sa mga pangunahing nagtatapon ng maruming tubig sa Manila Bay.
Batay sa memorandum na inilabas ni Estrada, inatasan nito sina City Administrator Atty. Ericson Alcovendaz, Department of Engineering and Public Services City Engineer Rogelio Legaspi, Department of Public Services head Lilybelle Borromeo, Task Force Manila Clean chief Rafael Borromeo at Atty. Jasyrr Garcia administrator ng Manila na agad na isailalim ang rehabilitasyon ng nasabing zoo.
Kasabay nito, sinabi ni Estrada na ipagagawa na rin nila ang waste treatment facility upang maiwasang makaapekto sa tubig sa Manila Bay at iba pang baybaying dagat.
Ayon kay Estrada, hindi na maaaring patagalin ang rehabilitasyon ng Manila Zoo lalo pa’t marami na ring depektibo at hindi na maayos ang pasilidad.
Dagdag pa ni Estrada, pansamantala lamang ang closure upang mas maging maayos at maaliwalas ang pamamasyal sa loob ng Manila Zoo sa sandaling maisaayos ito.