Nigerian, Tsinay na nanggoyo ng Pinay, kalaboso
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), ang isang Nigerian national at isang Tsinay habang nakatakas naman ang isa pa nilang kasabwat sa panggogoyo at pangba-blackmail sa isang Pinay kamakailan sa Las Piñas City.
Kasong swindling at robbery extortion ang isinampa ng NBI-Special Operations Group laban sa suspek na si Innocent Uchenna Nkwoka, alyas Steve Edward, alyas Agulu Prince; at Irene Lee Okoro, alyas Jackie Pascual matapos ireklamo ng Pinay na itinago sa pangalang Eva.
Batay sa reklamo ng biktima, nakilala niya ang suspek noong Pebrero 2018 sa pamamagitan ng Tinder, isang social media dating site, nagpakilala umano ang suspek na isang Chemical Engineer na nakabase sa Alaska, divorce at may isang anak.
Noong Agosto pumayag umano ang biktima nang yayain siya ng suspek na magpakasal, mula noon ay ginamit nila ang WhatsApp audio call sa kanilang komunikasyon.
Nabatid na noong Oktubre, 2018, may tumawag sa biktima at nagpakilalang siya si Ana Fe Sandoval at nagpakilalang taga-US Embassy at sinabihan siya na kailangan niyang magbayad ng P5,600 para sa pagpoproseso ng kanyang fiancé visa application.
Ipinaalam umano niya ito sa suspek pero inatasan siya nito na sumunod na lamang kay Sandoval,dahilan para patuloy siyang magbigay kay Sandoval ng pera na umabot sa P50,026 para sa umano’y medical examination,fiancé visa at affidavit of support.
Noong Disyembre 5,nagpunta ang biktima at kanyang pamilya sa NAIA II para sunduin ang suspek pero hindi ito dumating at nakatanggap ng tawag sa telepono ang biktima mula sa empleyado umano ng Custom at sinasabing na hold sa Cebu Airport ang suspek dahil may dala umano itong $800,000.
Inatasan umano ang biktima na magpadala ng P25,000 sa pamamagitan ng Palawan Express Padala, nakahalata na umano ang biktima na siya ay niloloko kaya hindi siya nagpadala pero pinagbantaan siya ng suspek na ipu-post sa social media ang kanyang hubad na larawan.
Sa takot ay nagpadala ng P10,000 ang biktima sa pamamagitan ng Palawan Express pero humingi na siya ng tulong sa NBI dahilan para maaresto si Pascual at nang isailalim sa interogasyon,itinuro naman nito ang suspek na si Agulu Prince sa Las Piñas.
Patuloy naman hinahanap ang isa pang suspek na si Sandoval na kasabwat din ng dalawa.
- Latest