MANILA, Philippines — Hindi lang mga motorista kundi libu-libong pedestrians din ang apektado sa isinara nang Estrella-Pantaleon Bridge kahapon sa Makati kung kaya pinag-aaralan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paglalagay ng hanging bridge para daanan ng mga ito.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Jojo Garcia, hiniling nila sa DPWH ang paglalagay ng hanging bridge para daanan ng libu-libong pedestrian na tumatawid sa Makati at Mandaluyong City.
“Pag-aaralan nila kung pwede or hindi delikado para at least yung mga tao ay pwedeng maglakad na lang at hindi umikot nang umikot. Kino-consider nila yung hanging bridge,” ani Garcia.
Sabi ni Garcia, na umaasa sila na ikokonsidera ng DPWH ang kanilang request.
Alas-4:00 kahapon ng madaling araw ay tuluyan nang isinara at hindi na maaaring daanan ng mga motorista at pedestrian ang Estrella-Pantaleon Bridge o Rockwell Bridge.
Isasailalim ito sa 30 buwang rehabilitasyon at posible pang mapalawig kung saan ay may bahaging tulong mula sa Chinese government para ma-accommodate ang 5,000 na sasakyang dumadaan kada araw.
Dahil dito, ayon kay Bong Nebrija, MMDA EDSA traffic czar, na inaasahan na ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA sa South at Northbound mula Guadalupe hanggang Buendia sa Lunes ng umaga at hapong rush hours.
Kung kaya’t ipinatupad kahapon ng pamahalaang lungsod ng Makati ang re-routing scheme sa kahabaan ng Ayala Avenue at Sen Gil J. Puyat Avenue.
Pinayuhan nila ang mga motoristang apektado ay gumamit na alternatibong route.