P13-M shabu nasamsam: 2 bigtime courier, timbog
MANILA, Philippines — Nagkakahalaga ng P13-milyon ang drogang nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang ‘bigtime courier’ ng shabu na kinabibilangan ng isang babae at isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Supt Ophelio Dakila Concina Jr., hepe ng QCPD Station 8, ang dalawang nadakip na sina Arlyn Dale Diono, 27, dalaga, hairdresser at Romeo Mafe, 35.
Ayon kay Concina, isang linggong tiniktikan ng kanyang mga tauhan ang iligal na aktibidades ng dalawang suspek, at nang mag-positibo ang kanilang paniniktik ay agad na nagkasa ng ‘drug-bust operation’ dakong ala-1:00 ng madaling araw.
Nang salakayin ang hideout ng mga suspek sa Republic Ave. Sto. Niño St., Brgy. Holy Spirit, ay nasukol ang dalawa na abala sa paghahanda ng kontrabando para ideliber sa kanilang mga parukyano sa Metro Manila.
Nabawi sa dalawang suspek ang dalawang kilo ng high grade na shabu na nagkakahalaga ng P13-milyon at ibat-ibang drug paraphernalia.
Nakakulong ngayon ang dalawa sa detention cell ng QCPD-station 8 habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 laban sa kanila.
- Latest