Brgy. Security Force, sugatan sa hostage
MANILA, Philippines — Nasa malubhang kalagayan ang isang miyembro ng Barangay Security Force (BSF) nang i-hostage at saksakin ng isang nagwawalang lalaki na malubha ring nasugatan nang barilin naman ito ng mga rumespondeng pulis, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Ginagamot ngayon sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Ricardo Sanchez, ng Purok 6, Brgy. Bagumbayan ng naturang lungsod.
Ginagamot din sa nabanggit na ospital sanhi ng tama ng bala sa katawan ang suspect na si Marlon Malvecino, ng Road 10 ng nabanggit na barangay.
Lumalabas sa report na natanggap ng hepe ng Taguig City Police na si Sr. Supt. Alexander Santos, naganap ang insidente alas-2:59 ng hapon sa kahabaan ng Road 10, malapit sa Joseph St., ng nabanggit na barangay.
Nabatid, na nagtungo ang kapatid ng suspect na si Mayla Manalo at ang ina nito sa tanggapan ng BSF upang humingi ng tulong hinggil sa pagwawala ni Malvecino.
Rumesponde si Sanchez at tinangkang awatin ang suspect, subalit siya ang sinunggaban at saka hinostage.
Nai-report sa tanggapan ng Taguig City Police ang insidente at mabilis na rumesponde sa lugar kabilang si PO1 Israel Razon.
Habang nakikipagnegosasyon ang mga pulis sa naturang hostage taker, na may hawak ng patalim at matulis na kahoy ay bigla nitong sinaksak sa ulo ang biktimang si Sanchez.
Nang muling sasaksakin ni Malvecino si Sanchez, dito na binaril ni PO1 Razon ang nabanggit na suspect.
Patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente.
- Latest